SLP Friendship Day 2022

30 Apr 2022 8:00 AM | Aileen Matalog (Administrator)


Noong ika-anim ng Marso 2022, ang mga estudyante at propesyonal na Speech Language Pathologists (SLP) ay nagtipon-tipon sa Zoom upang ipagbunyi ang taunang SLP Friendship Day. Ang tema, Sinag: Magiting na Paglalakbay Tungo sa Dakong Itinuro ng Aguhon ay tinernuhan ng mga host mula sa De La Salle Medical and Health Science Institute (DLSMHSI) ng tradisyonal na kasuotang Pilipino. Kasama ang mga taga-Unibersidad ng Pilipinas (UP), Unibersidad ng Santos Tomas (UST) at Cebu Doctors’ University (CDU). 

Ating balikan ang mga kaganapan sa pagtitipon na ito. Sinimulan ito ng welcome remarks ni Bb. Kathy Reyes, ang Program Director ng DLSMHSI. Tinalakay niya ang pagkakaisa patungo sa iisang layunin na makapaghatid ng serbisyong dekalidad sa mga mamamayang Pilipinong may kapansanan.

Isa sa mga pinaka-inaabangang parte ng Friendship Day ay ang mga talk mula sa iba't-ibang propesyonal na nasa larangan ng speech pathology. Ang mga naunang tagapagsalita ay sina Hon. Maria Eusebia Catherine Sadicon, CSP-PASP, ang kasalukuyang chair ng Professional Regulatory Board of Speech Language Pathology (PRB-SLP) at si Bb. Tinnah Marie B. Balazuela, CSP-PASP, ang kasalukuyang presidente ng Philippine Association of Speech Pathologists o PASP. Tinalakay nila ang mga pagsisikap ng PASP at PRB-SLP tungo sa pagpapalawig ng komunidad ng mga SLP sa ating bansa at ang mga plano para sa kinabukasan ng ating propesyon. Kabilang dito ang paparating na licensure exam, pagbibigay ng dekalidad na serbisyo sa gitna ng pandemya, at ang planong pagbubukas ng programa ng BS Speech Pathology sa iba pang paaralan. Binigyang-diin nila na bago maglingkod sa labas ng Pilipinas, sana ay unahin nating paglingkuran ang ating bayan. 

Matapos parangalan ang dalawang naunang tagapagsalita, ibinahagi ni G. Arden Bernard L. Asuncion, isang inspirational speaker at self-advocate para sa kamalayan, empowerment, at inclusive workplace ng mga persons with disabilities (PWD), ang kanyang kwento bilang isang taong may Autism Spectrum Disorder at kung paano sinuportahan ng mga speech pathologist. Ipinaabot niya ang kanyang pasasalamat sa propesyon at kung paano nito nabigyang pagkakataong marinig ang kaniyang boses. Pinaalala niya na lahat ng paghihirap at pagsisikap sa pag-aaral ay parte ng isang mahalagang paglalakbay bilang isang speech pathologist.


Mga Tagapagsalita sa Unang Bahagi ng Programa ( From left to right: Hon. Sadicon, Bb. Balazuela, G. Asuncion)

Ang ikaapat na nagbahagi ay si Bb. Rebecca Faith L. Coates isang alumni mula sa DLSMHSI. Bilang isa sa mga bago sa larangan na nabigyan ng pagkakataon na makapagsalita sa pagdiriwang, nagbahagi siyang limang lesson para sa mga nagsisimulang SLP bilang inspirasyon. Ilan dito ay pagkakaroon ng praktikal na ekspektasyon sa sarili, pagkatutong kilalanin ang mga maliliit na tagumpay, patuloy na pagpapalawig ng kaalaman, at ang kahalagahan ng pagtatanong at paghingi ng tulong bilang paraan ng pagbuo ng tiwala sa isa’t-isa. Kaniya ring binigyan diin ang importansya ng work life balance tungo sa magandang kalidad ng buhay upang mas marami pang matulungan. Lahat ng ito ay kanyang tinapos sa isang paalala na kinakailangan natin ng gabay mula sa mga importanteng tao sa ating buhay kagaya ng ating pamilya, mga kaibigan at lalo na ang Diyos. 

Ang huling tagapagsalita naman ay siyang boses ng mga estudyante. Si G. Carl Leann A. Lora ang founding at kasalukuyang presidente ng Speech-Language Pathology Students’ Association of the Philippines (SLPSAP). Kaniyang ipinaliwanag na tulad ng kanilang acronym: Solidarity, Leadership, at Passion (SLP), layunin ng SLPSAP na tipunin ang mga estudyanteng SLP sa Pilipinas. Sa kanyang pag-unlak ay ibinahagi niya rin ang mga proyekto ng SLPSAP tulad ng ResoNation, Tugon SLP, at SPread the Word.

   Mga Tagapagsalita sa Unang Bahagi ng Programa ( From left to right: Bb. Coates, G. Lora)

Ang pangalawang bahagi ng programa ay binubuo naman ng samu’t saring palaro, kwentuhan at pagpaparangal sa mga nanalo. Hindi lamang iyon, nagkaroon din ng mga intermission number kung saan ipinamalas ng mga estudyante ang kanilang talento sa pagkanta. 

Bilang pagtatapos, ibinahagi ni Bb. Krizzval Espiritu ang kahalagahan ng pagkakaroon ng SLP Friendship Day na humihinok sa mga mga estudyante mula sa apat na mga unibersidad na magbuklod-buklod bilang mga hinaharap na speech therapist sa Pilipinas, ipinahayag rin niya ang kanyang pagnanais na ang bawat isa’y magkita-kita na sa personal. Gayundin, binigyang diin ni Gng. Christine Medina-Chin, CSP-PASP, DHPED na ang tunay na pakay ng programang ito ay upang maikonekta ang mga SLP na estudyante mula sa iba’t ibang lugar sa bansa. Hindi niya rin pinalampas ang pagkakataon na ito upang mapasalamatan ang mga organizers, sponsors at maging ang mga nagsipagdalo. Natapos ang programa sa kanyang paalala na naway hindi mawala ang ningas ng pagkakaibigan upang patuloy na makabuo ng matibay na komunikasyon hindi lamang sa propesyon maging sa bawat isa. 


Isinulat nina: Martin Arzadon, Richelle Asis, Vyella Salao, Jean Tolentino 

Drop here!

Social Media Links

© 2014 - 2016 Philippine Association of Speech Pathologists