Audience: General Filipino Public
Isa sa dalawang video na matatagpuan sa YouTube channel ng Philippine Association of Speech Pathologists (PASP) para sa proyektong Dinig Tinig ay ang ‘Ang Problema sa Pandinig’.
Pinag-uusapan sa maikling video na ito kung ano ba ang hearing loss, ang iba’t ibang klase ng hearing loss at ang mga epekto nito sa lenggwahe o kakayahan sa pag-intindi at pagsasalita ng mga bata o indibidwal na may problema sa pandinig.
Ano ang hearing loss at mga uri nito?
Ayon sa nabanggit na video ang hearingloss o problema sa pandinig ay nakakaapekto sa abilidad ng isang tao na marinig ang mga tunog sa kanyang kapaligiran. Ang mga kadalasang sanhi nito sa mga bata ay genetics, ibang mga sakit o impeksyon, o kaya naman ay trauma sa tainga na sanhi ng malakas na tunog. Sa pag-aaral nina Dr. Charlotte Chiong (2013), isang otolaryngologist na kasalukuyang Dekana ng Kolehiyo ng Medisina ng Unibersidad ng Pilipinas sa lungsod ng Maynila, kada araw walong bata ang pinapanganak na may profound hearing loss.
Upang mas maintindihan natin kung ano ang hearing loss, narito ang diagram ng ating tainga. Ito ay nahahati sa tatlong parte: ang outer ear, middle ear at inner ear:
Anatomy of an ear by DAPA Images (2019). Source: Canva Design (Education).
Outer Ear Middle Ear Inner Ear
Kapag ang outer o middle ear ang naapektuhan, ito ay tinatawag na conductive hearing loss. Kapag ang inner ear ang naapektuhan naman, ito aytinatawag na sensorineural hearing loss. Kapag naman pinagsamang outer at inner earsang naapektuhan, ito ay tinatawag na mixed hearing loss.
Gayundin, may iba’t ibang lebel ng hearing loss. Ito ay maaaring maging mild, moderate, moderately severe, severe, at profound ayon sa gaano nabawasan ang kakayahang pandinig. Upang maranasan ninyo ang halimbawa ng palala na palalang hearing loss, panoorin ang Hearing Loss Simulation - What's It Like?
Ang hearing loss ay maaaring makaapekto sa isa o magkabilang tainga. Ito ay tinatawag na unilateral hearing loss kapag isang tainga lamang ang apektado at bilateral hearing loss naman kapag ang parehas na tainga ang apektado.
Paano ito nakakaapekto ng buhay ng bata at ano ang mga maaaring gawin?
Maaaring may naririnig ang bata ngunit malabo ang tunog ng mga salita kapag may kumakausap sa kanya. Dahil dito, ang kahinaan sa pandinig ay maaaring makaapekto sa pagbigkas ng mga tunog, sa pagsasabi ng mga balarila(grammar), at sa pagbasa. Upang matulungan ang bata na mas makarinig, maaari siyang gumamit ng hearing aid (e.g., behind-the-ear, bone conduction) o malagyan ng cochlear implant depende sa uri (type), grado (grade) ng hearing loss, at sa rekomendasyon ng otologist (ear doctor) o audiologist (specialist sa pandinig) pati na rin ng speech therapist.
Magandang maagapan ng maaga ang problema sa pandinig. Ipinapatupad sa komunidad ang pambansang pagpapatupad ng pagsusuri sa pandinig ng bawat bagong panganak na sanggol(Newborn Hearing Screening Program, 2009) upang maagapan kaagad ang pagkakaroon ng hearing impairment o hearing loss at mabigyan ng karampatang diagnosis at lunas ang mga sanggol na maaaring magkaroon nito.
Ang mga sanggol na napag-alamang may kahinaan sa pandinig ay nabibigyan ng agarang rekomendasyon tungkol sa angkop na aksyon upang matulungan sila na maranasan ang tipikal na des-arolyo o development sa pandinig.
Alinsunod sa pagtutok nito, maaaring sundin ang mga susunod. Tutukan ang anak sa pag-abot ng mga milestones at suriin kung angkop ba ang kasalukuyang kakayahan sa kanyang edad. Maaaring tignan ang hearing milestones na ito mula sa Hearing First (2020). Isang paalala na ang datos sa nabanggit na hearing milestones ay gabay lamang at maaaring maging iba sa des-arolyo o development ng isang batang Pilipino. Kung napapansin na ang anak ay may kahirapan sa pandinig o hindi angkop ang kanyang milestones sa edad, mabuting kumonsulta sa isang ENT na doktor at sa isang clinical audiologist upang maiging masuri ang kanyang pandinig. Kung gumagamit na ng hearing aid o cochlear implant ay mahalagang regular na kumonsulta sa inyong doktor para sa napapanahong resulta ng hearing tests. Palaging isuot at gamitin ang hearing aid para lalong masanay makinig ang bata. Ang speech therapy ay nakakatulong rin sa batang may kahirapan sa pandinig. Layon ng isang speech therapist na gumanda ang kakayahan ng batang makinig gamit ang hearing aid at mas makipag-usap sa mga tao gamit ito.
Ang pagkakaroon ng hearing loss ay hindi dapat ikatakot ng mga tao. Marami nang mga paraan upang makakuha ng impormasyon na makatutulong sa kalagayan ng isang batang may kapansanan sa pandinig. Ang pag-alam ng depinisyon, uri, at pagkalala ng hearing loss ay mahalaga upang mapangalagaan ang pandinig ng mga bata na maaaring magkaroon o mayroong hearing loss. Ang pagkonsulta at patuloy na pakikipagtulungan kasama ang inyong audiologist at speech therapist ay mas mapabubuti ang pandinig ng isang batang may kahinaan sa pandinig para makamit ang kanyang nararapat na des-arolyo o development. Importante na ang mga pamilya at propesyonal ay maging aktibo at magtulungan sa pagtaguyod ng maagang pagtuklas ng problema ng pandinig katulad ng pagkuha ng newborn hearing screening at pagkamit ng tamang interbensyon. Maraming klase ng interbensyon ang maaaring irekomenda para sa isang indibidwal na may problema ng pandinig kaya importante na patuloy na makipagtulungan sa audiologist at speech therapist upang mabigyan ng tamang oportunidad na mapabuti ang komunikasyon, partisipasyon at kalidad ng pamumuhay ng isang batang may kahinaan sa pandinig bilang parte ng kanyang komunidad.
Maaaring puntahan ang mga link na ito para sa mga karagdagang impormasyon:
Sanggunian:
Catangay-Ombao, J. (March 7, 2022) Personal Communication. Content suggestions and grammatical revisions.
Chiong & Santos-Cortez. (2013). Cost-analysis of universal newborn hearing screening in the Philippines. Acta Medica Philippina, 47(4).
DAPA Images. (2019, February 28). Anatomy of an ear [Graphic]. Canva. https://www.canva.com/media/MADS49m1ziE
Hearing First (2020). Development Milestones Birth to Eight Years [PDF]. https://hearingfirst.org/-/media/files/downloadables/hf-milestones-09062017.pdf
Hearing Healthcare Centre. (2017). Hearing Loss Simulation - What's It Like? [Video]. Retrieved 4 March 2022, from https://www.youtube.com/watch?v=PbBZjT7nuoA
Philippine Association of Speech Pathologists. (2022). Problema sa Pandinig [Video]. Retrieved 4 March 2022, from https://www.youtube.com/watch?v=kp4Z3uVZkfg.
Isinulat nina: Wincarylle Floresta, Patricia Llavore, Jana Sabado
Ang video ay ginawa nina: Kristia Alyssa Alfonso, Charles Justin Lim, Ciarra Mae Dela Cruz